Friday, March 21, 2014

San Guillermo Parish Church (aka Bacolor Church)

Dahil sa UP, nakapunta na ako sa kung saan-saang lugar, Nakapunta na ako sa Zambales, sa Banaue, sa Bohol at sa Cebu. At ngayon ang susunod na destinasyon ko – PAMPANGA.


18 Enero 2014, Lunes – Field trip sa Pampanga. Sa takot na hindi magising at maiwanan ng field trip, nag-overnight ako at hindi natulog (hindi ko sasabihin kung saan). Ala-sais ng umaga ang call-time at umabot naman ako, ngunit dahil na rin sa hindi ako natulog, tulog ako sa buong byahe. Sayang dahil paborito ko pa namang pinapanood ang daan sa tuwing may field trip ako. Unang destinasyon…San Guillermo Parish Church Bacolor, Pampanga.

Kaunting kasaysayan. Ang San Guillermo Parish Church, o mas kilala sa tawag na Bacolor Church ay ipinangalan kay (hulaan nyo) San Guillermo, obviously. Pero ito ay bilang pagpupugay na rin sa isang mabuting taong nagbigay ng kanyang lupain upang mapagtayuan ng simbahan, si Don Guillermo Manabat. Ito ay itinayo noong 1576 sa pamumuno ng mga Agustinong pari at ilang beses ng pinaluhod ng Inang Kalikasan ang simbahang ito, mapa-lindol man o bagyo. At ang pinakahuli, pagsabog ng bulkan. Nadamay ang San Guillermo Church noong pumutok ang bulkang Pinatubo taong 1995. Halos kalahati ng simbahan ay natabunan ng lahar. Ngunit dahil na rin sa masidhing pananampalataya ng mga Kapampangan, pinasimulan ang paghuhukay at pagsasa-ayos ng marangyang simbahang ito. Dito ko lang nalaman na relihiyoso pala ang mga Kapampangan at hindi lang sila sikat sa pagluluto (ito din siguro ang dahilan kung bakit ko nakikita lagi sa TV si dating pangulong Arroyo na madalas magsimba :)
 

Kung mapapansin ninyo ang mga rebulto, halos kisame na ang makikita sa taas ng mga santo. Halos abot kamay na ang taas ng bubong dahil sa kabila ng pagsisikap ng mga Kapampangan, hindi pa rin ganap na nahuhukay ang kabuuan ng simbahan

Mabilis akong mamangha sa mga retablo, dahil siguro napaka-majestic tingnan ng mga poong nakaposisyon dito. Sayang lang at hindi ko kilala ang mga santong nakalagay dito. Isa pang nagpaganda sa retablong ito ay ang disenyo ng mga gintong dahon na nakapaligid dito.

Marami akong natutunan sa field trip na ito - mula Sans rival, Aluminum wares, pagluto ng palaka at higit sa lahat ay ang yaman ng kultura at tradisyong Kapampangan.




Monday, January 6, 2014

2013 UP Oblation Run

Ito ang unang beses kong manunuod ng Oblation Run. Ang unang dahilan ay hindi ko naman talaga gustong panoorin ito at ang pangalawa ay dahil madalas akong kumuha ng klase sa tanghali na natataong kasabay ng Oblation Run. Naalala ko noong freshie pa ako at dinismiss pa kami ng instructor para makapanood kami ng Oblation Run. Sa halip na manuod ay dumiretso na ako ng dormitoryo upang maagang magtanghalian.

Ang Oblation Run ay isang taunang pangyayari sa unibersidad kung saan ang mga miyembro ng isang fraternity ay tumatakbong walang saplot sa campus. Ang inspirasyon nito ay ang isa sa mga "mascot" ng UP, ang Oblation Statue na nilikha ng Pambansang Alagad ng Sining na si Guillermo Tolentino. Sinasabing nagsimula ito ng minsang tumakbo ang isang kasapi ng Alpha Phi Omega upang i-promote ang isang pelikulang pinamagatang "Hubad na Bayani" taong 1977. Magmula noon ay naging taunang gawain na ito ng mga miyembro ng APO.

Sa taong ito, sinasabing ang tema ng Oblation Run ay "better disaster risk reduction and management". Kasama ang mga kaibigan ko na sina Jaypee at Aren, nagpunta kaming tatlo sa Palma Hall at nanatili sa AS Lobby upang maghintay. Mga ilang oras pa ay nagsimula na nga ang Oblation Run. Bukod sa kanilang mga maskara ay dala nila ang mga karatula na may iba't-ibang mensahe patungkol sa pagbangon at pagharap sa mga hamon ng nagdaang unos. Minsan na rin naging tema ng Oblation Run ang tungkol sa eleksyon, budget cuts at mga napapanahong isyu. 

2013 UP Lantern Parade

Kung hindi ako nanunuod ng Oblation Run, taon-taon naman akong nanunuod ng Lantern Parade. Higit na kaabang-abang ito para sa akin dahil iba-iba ang nakikita ko kada taon. Masusurpresa ka sa kung paanong paghahanda at presentasyon ang iginugol ng bawat kolehiyo sa kanilang mga lanterns. Bukod dito, maganda rin itong "reward" at pangtanggal ng stress na idinulot ng buong taon. Ang Lantern Parade ang opisyal na hudyat na tapos na nga ang taon.

Naranasan ko na rin sumali sa parada bilang requirement sa aking CWTS. Noon ay may sari-sariling lanterns pa ang CS, CSSP at CAL ngunit sa taong ito ay nagtulong-tulong ang tatlong kolehiyong ito upang gumawa ng isang magandang lantern.

Ang tema sa taong ito ay "Maalab na Serbisyo Publiko ng Mapagkalingang Kampus". Halos lahat ay naging tema ng lantern ang nakaraang bagyong Yolanda. Ito ay bilang pakikisimpatya sa mga naging biktima ng nagdaang bagyo. Sa halip na magdaos ng fireworks display ay ibinigay na lamang bilang donasyon ang perang gagamitin para dito. May nabalitaan pa nga akong hindi na daw matutuloy ang Lantern Parade bilang tanda ng pakikiramay sa mga biktima ng Yolanda.


Ang mga lantern sa taong ito ay gawa sa mga recycled materials at simbolismo ng mga relief goods items tulad ng bote ng tubig at instant noodles. Masasabing mas simple ang mga Lantern sa taong ito, dahil na rin sa limitadong uri ng mga palamuting ginamit subalit dito masusukat ang galing at pagkamalikhain ng mga kalahok.

Isa ang College of Fine Arts sa mga inaabangan tuwing Lantern Parade. Ilan taon din daw na halos sila na lang lagi ang nananalo bilang may pinakamahusay na Lantern kung kaya noong mga sumunod na taon ay hindi na sila isinali sa mga kalahok sa may pinakamagandang Lantern. Sa taong ito, naging tema ng CFA ang iba't-ibang kultura ng mga indigenous groups sa ating bansa. Kabilang dito ang kulturang Igorot, T'boli at Manobo.

Bulul (rice god) ng Ifugao

pagtatahi ng mga T'boli

puno ng liwanag/paghilom ng mga Manobo

Ang Lantern Parade ay hindi lamang isang paligsahan sa pagitan ng mga kolehiyo at ng kanilang lantern. Ito rin ay isang pagkakataon para sa mga taga-UP, mapa-kawani man o estudyante upang magbuklod-buklod at sama-samang harapin ang mga unos na pinagdaraanan ng bansa.