Monday, January 6, 2014

2013 UP Oblation Run

Ito ang unang beses kong manunuod ng Oblation Run. Ang unang dahilan ay hindi ko naman talaga gustong panoorin ito at ang pangalawa ay dahil madalas akong kumuha ng klase sa tanghali na natataong kasabay ng Oblation Run. Naalala ko noong freshie pa ako at dinismiss pa kami ng instructor para makapanood kami ng Oblation Run. Sa halip na manuod ay dumiretso na ako ng dormitoryo upang maagang magtanghalian.

Ang Oblation Run ay isang taunang pangyayari sa unibersidad kung saan ang mga miyembro ng isang fraternity ay tumatakbong walang saplot sa campus. Ang inspirasyon nito ay ang isa sa mga "mascot" ng UP, ang Oblation Statue na nilikha ng Pambansang Alagad ng Sining na si Guillermo Tolentino. Sinasabing nagsimula ito ng minsang tumakbo ang isang kasapi ng Alpha Phi Omega upang i-promote ang isang pelikulang pinamagatang "Hubad na Bayani" taong 1977. Magmula noon ay naging taunang gawain na ito ng mga miyembro ng APO.

Sa taong ito, sinasabing ang tema ng Oblation Run ay "better disaster risk reduction and management". Kasama ang mga kaibigan ko na sina Jaypee at Aren, nagpunta kaming tatlo sa Palma Hall at nanatili sa AS Lobby upang maghintay. Mga ilang oras pa ay nagsimula na nga ang Oblation Run. Bukod sa kanilang mga maskara ay dala nila ang mga karatula na may iba't-ibang mensahe patungkol sa pagbangon at pagharap sa mga hamon ng nagdaang unos. Minsan na rin naging tema ng Oblation Run ang tungkol sa eleksyon, budget cuts at mga napapanahong isyu. 

No comments:

Post a Comment